CA kinatigan ang pagbasura ng Makati RTC sa hirit na ipaaresto si Trillanes noong 2018
Pinagtibay ng Court of Appeals Special Eleventh Division ang desisyon ng Makati City Regional Trial Court noong 2018 na ibasura ang petisyon ng gobyerno na mag-isyu ng arrest warrant at hold departure order laban kay dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Ito ay kaugnay sa pagbuhay muli noong 2018 sa kasong coup d’etat laban kay Trillanes.
Sa ruling ng appellate court na pirmado ni Associate Justice Edwin Sorongon, sinabi na wala silang nakitang grave abuse of discretion sa kinukuwestyong desisyon ni Makati City RTC Branch 148 Presiding Judge Andres Soriano para ito ay baligtarin.
Dahil dito, iniutos ng CA na ibasura ang petisyon na inihain ng pamahalaan.
Matatandaan na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation 572 noong 2018 na nagpapawalang-bisa sa amnestiyang iginawad kay Trillanes dahil sa sinasabing bigo itong makatugon sa mga kondisyon sa amnestiya.
Pero, nakasaad sa desisyon ng CA na nabigo ang gobyerno na mapatunayan na hindi nakatugon si Trillanes sa mga requirement sa amnestiya kaya hindi masasabing ito ay validly revoked.
Kaugnay nito, ipinunto ng appellate court na tama ang desisyon ng Makati court na ibasura ang kasong coup d’etat laban kay Trillanes noong 2011 dahil sa amnestiyang iginawad dito at ang nasabing utos ay final at executory.
Moira Encina