CA rule sa bank inquiry sa money laundering case, inaprubahan ng SC
Pinagtibay ng Korte Suprema ang rules of procedure ng Court of Appeals sa bank inquiry o eksaminasyon ng deposit at investment accounts sa money laundering case.
Sa ilalim ng panuntunan, maaaring maghain ng Anti- Money Laundering Council (AMLC) ng ex-parte application para sa bank inquiry sa CA kung madetermina na may probable cause na ang deposito o investments ay konektado sa iligal na gawain o money laundering.
Dapat nakasaad sa aplikasyon ang account number o anumang specific description ng deposit o investment accounts na bubusisiin, may-ari o holder ng account, at address nito, pangalan ng bangko o non-bank financial institusyon at ang lokasyon nito.
Kailangan din tukuyin sa aplikasyon ang batayan para sa pagbigay ng otoridad na maeksamin ang accounts, at ang supporting evidence na nagpapakita ng probable cause na ang deposit o investment account ay kaugnay sa money laundering.
Alinsunod pa sa CA rule, dapat agad na mai-raffle ang aplikasyon sa parehong araw na ito ay maihain sa justice na wala sa official leave.
Kailangan din na maresolba ang aplikasyon sa loob ng 24 oras mula nang ito ay matanggap ng lahat ng miyembro ng CA division kung saan kabilang ang justice.
Epektibo sa loob ng 120 araw ang bank inquiry order na inisyu ng CA at may parehong epekto ng freeze order.
Maaari ding palawigin ng CA ang bisa ng kautusan kapag nagmosyon ang AMLC at bago magpaso ang 120-day period nang hindi lalagpas sa 120 araw.
Moira Encina