CALABARZON nangunguna sa mga may pinakamaraming naitatalang kaso ng COVID-19 – DOH
Nangunguna na ang Region 4A o ang Calabarzon sa may pinakamaraming naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19.
Pero paglilinaw ni Dr. Alethea de Guzman, director ng Epidemiology Bureau ng Department of Health, hindi naman masasabing ang Calabarzon na ang epicenter ng virus.
Sa mga lugar sa Calabarzon ang Laguna ang nanguna sa listahan ng mga bagong kaso ng Covid-19 habang nasa ikatlo at ika-apat na pwesto naman ang Batangas at Cavite.
Kung bilis naman ng pagtaas ng mga kaso ang pag-uusapan, sinabi ni de Guzman na naungusan narin ng Visayas ang NCR Plus areas.
Ang NCR patuloy parin aniyang nakitaan ng mabagal na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa mga nakalipas na linggo.
Kaya pangamba ng health official, kung marami ang magpapabaya sa pagsunod sa minimum public health standards at iba pang health protocol gaya ng mga mass gathering ay maaaring makaapekto ito ng malaki.
Sa mga lugar sa NCR, ang Parañaque at Pasay City ang nasa high risk ngayon.
Samantala, may 6 na lugar rin aniya na binabantayan ngayon ang DOH matapos umakyat sa critical ang health care at ICU utilization rate.
Kabilang rito ang La Union na ang ICU occupancy rate ay umabot na sa 75.4%, Tarlac na may 92.3% ICU occupancy rate, Rizal na may 85.7%, Cavite na may 78.3% at Benguet na may 75% ICU occupancy rate.
Bagamat ang ICU utilization sa Agusan del Sur ay nasa safe zone, sinabi ni de Guzman na tumaas naman ang healthcare utilization rate nito na nasa 72.6%.
Madz Moratillo