Caloocan city, inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa management ng Gubat sa Syudad resort
Inihahanda na ng Caloocan city ang mga kasong isasampa laban sa management ng Gubat sa Syudad resort sa lunsod.
Ito’y dahil sa pag-o-operate kahit mahigpit na ipinagbabawal dahil sa umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine sa NCR plus.
Nakakandado na ang resort at kinansela na rin ang kanilang business permit matapos madiskubre ang napakaraming tao sa swimming pool ng resort kahapon.
Sa panayam ng Balitakayan, sinabi ni Mayor Oscar Malapitan na paglabag sa Health protocol sa ilalim ng ipinaiiral na guidelines ng Inter-Agency Task Force ang kakaharaping kaso ng may-ari ng resort.
Kasama sa mga kakasuhan ang mga opisyal at tauhan ng Barangay 171 sa Bagumbong na nakakasakop sa lugar.
Agad naman aniya silang magsasagawa ng contact tracing at mass testing sa mga nagtungo sa resort para maagapan kung may nahawa man ng virus.
Pinaiimbestigahan na rin ng alkalde kung nag-o-operate na ang resort kahit may umiiral na ECQ sa NCR Plus bubble.
Dismayado ang alkalde dahil sa paglabag ng ilang mga negosyante at mga indibidwal dahilan kaya mataas ang kaso ng Covid 19.
Mayor Oca Malapitan:
“Sana wag nang maulit ang nangyaring ito dahil mahigpit na ipinagbabawal ang mga ganitong Mass Gathering. Ang paglabag na ito ng Gubat sa Syudad ay tiyak na irerevoke ang inyong business permit at idedemanda namin kayo sa husgado”.
Meanne Corvera