Caloy mag-eensayo agad pagbalik sa Japan
Isa hanggang dalawang araw lamang makapagpapahinga ang two-time world gymnast champion na si Carlos ‘Caloy’ Yulo, upang paghandaan naman ang mga lalahukan pa niyang international competitions ngayong taon.
Kabilang dito ang Asian Gymnastics Championships na gaganapin sa Hunyo 15 hanggang 18 sa Doha, Qatar. Ito ang magsisilbing qualifying tournament para sa 41st FIG Artistic Gymnastics World Championships na idaraos naman sa Liverpool, England sa darating na Oktubre.
Ayon sa 22-anyos na Pinoy gymnast, imposible sa kaniyang coach na si Munehiro Kugimiya ang mahabang break. Aniya, tama na ang isang araw.
Limang gintong medalya at dalawang pilak ang hinakot ni Yulo, sa pagtatapos ng kaniyang kampanya sa 31st Southeast Asian Games na kasalukuyan pa ring ginaganap sa Hanoi, Vietnam.
Dinomina ni Yulo ang men’s floor exercise, vault, still rings, horizontal bar at individual all-around, habang pumangalawa naman siya sa team event at parallel bars. Tanging sa pommel horse lamang siya nabigong makakuha ng anomang medalya.
Sa kabuuan ng kanilang kampanya sa Vietnam SEA Games, ay nakakuha ang national gymnastics team ng 7 ginto, 4 na pilak at 1 tanso, kumpara sa tatlong ginto, 5 pilak at 4 na tansong medalya sa 2019 SEA Games na ginanap sa Pilipinas.
Samantala, bukod sa limang gintong nakuha ni Yulo ay nakakuha rin ang Fil-Am na si Aleah Finnegan ng dalawa pa sa vault at women’s team event.