Campaign period para sa BSKE nagsimula na ngayong araw
Kahit makulimlim at pabugso-bugso ang ulan kaninang umaga, tuloy parin ang mga kandidato sa kanilang unang araw ng pangangampanya para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa October 30.
Kanya kanyang estilo sila para mapansin.
Ang iba may kasamang mga nagtatambol ang iba naman ay busina ng mga motorsiklo ang ginamit na pampa-ingay.
Pero kumpara sa mga nakalipas na eleksyon…kapansin pansin na wala na silang bitbit na mga bagay na ipinamimigay sa mga botante maliban sa maliit na papel kung saan nakasulat ang pangalan ng mga kandidato.
Mahigpit na bilin kasi ng Commission on Elections, bawal ang pamimigay ng mga t-shirt, sumbrelo, ballpen, pamaypay, baller, kahit pa mga candy dahil pwede itong ikunsiderang vote buying.
Sa mga naikutan ng NET25 news team sa Maynila…wala rin tayong nakitang nakasuot ng mga tshirt na may nakalagay na vote for at katabi ang pangalan o may muka ng kandidato…ang iba nakasulat ang pangalan at barangay na lang.
Pero sa pag-iikot ng mga kandidato gaya ng motorcade may paalala ang Comelec.
“Sa motorcade yung iba maaaring dis-oras ng gabi nag-iingay na paalala sa kandidato una di tumutigil ordinansa ng LGU dahil lang campaign period puwede lumabag sila mismo magkakaso. Kung mamemerwisyo kayo ng kapitbahay ninyo sa tingin nyo iboboto kayo ng mga yan. Dapat ding may permiso kung magmomotorcade sa mga mga pangunahing lansangan.” pahayag ni Comelec Spokesperson Atty. John Rex laudiangco
“Lalo sa major thoroughfare kelangan kuha permit sa LGU ipapakita sa election officer na nakakasakop sa kanila.” dugtong pa ni Laudiangco
Karamihan naman ng mga campaign poster, nakakabit sa mga private property gaya ng mga pader o gate ng bahay, merong nasa mga establisyimento at maging sa mga bakanteng lote.
Wala naman daw itong problema sabi ng Comelec basta may pahintulot ng may-ari at ang sukat hindi lagpas sa itinakdang hanggang 2×3 feet lamang.
Paalala ng Comelec ang campaign posters dapat ikabit lang sa itinakdang common poster areas at bawal maglagay nito sa mga pampublikong lugar gaya ng mga Eskwelahan, Barangay Hall, Health Center, mga tanggapan ng gobyerno, Poste, Center Island ng mga kalsada at maging mga pampublikong transportasyon.
Makikita rin sa social media page ng Comelec ang kumpletongg listahan ng itinakdang common poster area sa bawat lugar.
Mahigpit na paalala ng Comelec sa mga kandidato huwag silang subukan dahil seryoso sila sa pagdikswalipika at pagkaso sa mga pasaway na kandidato. Magsasagawa rin sila ng Oplan baklas para sa mga poster na nasa maling lugar.
Madelyn Moratillo