Cardio Pulmonary Resuscitation o CPR mahalagang malaman ng tao lalo na ang miyembro ng pamilya.
Dumami ang mga naging biktima ng cardiac arrest sa panahon ng pandemya dulot ng covid-19.
Ito ang pahayag ng Dr. Rob Reyes, Cardiologist at chair ng Philippine Heart Association Council on CardioPulmonary Resuscitation o CPR.
Ayon kay Reyes, binago ng virus ang buhay at pamumuhay ng tao.
Pati ang pagsasagawa ng CPR para sa mga nangangailangan ay naapektuhan na rin.
Aniya, maging ang pagpunta sa mga ospital upang magpa-check-up o kaya ay magpagamot ay hindi na rin nagawa ng maraming kababayan natin dahil sa takot na mahawahan at mamatay sanhi ng covid-19.
Kaugnay nito sinabi ni Reyes na minarapat ng PHA Council on CPR na isaayos ang strategy at mga hakbang sa pagbibigay ng CPR sa mga biktima ng cardiac arrest upang parehong maging ligtas ang biktima at rescuer sa corona virus ngayong nararanasan pa rin ang pandemya.
Kung noon tatlong “C” ang Check, Call at Compress ang ginagawa ng rescuer sa biktima ng cardiac arrest , nadagdagan na ito at naging limang “C” na Check, Call, Cover, Compress at Connect.
Idinagdag pa ni Reyes na siguraduhin lamang na may suot-suot na face mask at maghugas ng kamay, pagkatapos ng CPR.
Iwasan din na humawak sa mukha kung hindi pa naghuhugas ng kamay na ginamit sa pagbomba.