Carlos Celdran, ipinapadeklarang Unconstitutional sa Korte Suprema ang Article 133 ng Revised Penal Code o ang krimen ng Offending Religious Feelings
Umapela muli sa Korte Suprema ang aktibista at tourist guide na si Carlos Celdran para baligtarin ang desisyon ng Supreme Court First Division na nagpapatibay sa hatol na guilty sa kanya ng Court of Appeals at mga mababang hukuman dahil sa pangiinsulto sa Simbahang Katoliko.
Sa mahigit tatlumpung pahinang motion for reconsideration ni Celdran, hiniling din nito sa Supreme Court na ideklarang labag sa Konstitusyon ang Article 133 ng Revised Penal Code o Offending the Religious Feelings.
Giit ni Celdran na nilalabag nito ang freedom of expression at speech na nakasaad sa Saligang Batas.
Nais din ni Celdran na i-refer ang kanyang kaso sa Supreme Court en banc at isalang ito sa oral arguments.
Hinimok din ng performance artist ang Korte Suprema na iabswelto siya sa paglabag sa Article 133.
Ang kaso laban kay Celdran ay nag-ugat sa pagdadala nito ng plakard na may nakasulat na ‘Damaso’ sa loob ng Manila Cathedral sa kasagsagan ng isang religious activity noong September 2010.
Sa ruling ng SC First Division kamakailan pinaboran nito ang mga desisyon ng CA na nagsasabing ang ginawa ni Celdran ay naglalayong insultuhin at hiyain ang mga opisyal ng simbahang Katoliko.
Bigo anila si Celdran na ipakita na nagkamali ang CA, Manila RTC at Manila Metropolitan Trial Court sa desisyon ng mga ito na hatulan siya ng guilty.
Ulat ni Moira Encina