Cassandra Li Ong at 53 iba pa inireklamo ng human trafficking
Sinampahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at PNP- CIDG ng reklamong qualified trafficking in persons sa Department of Justice (DOJ), sina Cassandra Li Ong at 53 iba pang indibiduwal dahil sa operasyon ng illegal POGO sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, “Ito’y unang hakbang pa lang sa kaso ng Lucky South 99, napakaraming kaso na ihahain laban sa mga tao sa likod nito. Itong unang kaso pa lang may iba pang qualified trafficking na susunod laban sa iba pang nga respondent.”
Ayon kay Ty, pangunahing kinasuhan si Cassandra Ong dahil batay sa mga ebidensya, ito ang incorporator at may-ari ng Whirlwind Corporation at ito ang nagpatakbo ng Lucky South 99.
Kumbinsido aniya sila na may kinalaman si Ong sa illegal POGOs kahit na ang katwiran nito ay nagpapaupa lang ang Whirlwind sa Lucky South 99.
Ani Ty, “Ang team naman hindi binigyang pansin ang depensa na yan, para sa kanila iisa lang ang Lucky South 99 at Whirlwind Corporation. Dapat hindi tayo pumayag na gamitin ng mga kriminal ang corporation law, ang layering upang magawa ang kriminal nilang gawain.”
Kasamang humarap ng PAOCC at PNP-CIDG sa DOJ ang 10 Chinese nationals na nagsilbing witness- complainants.
Ang mga dayuhang biktima ay sinasabing dinukot at ibinenta sa Lucky South 99.
Ayon kay Bulacan Provincial Prosecutor Sonny Ocampo, “Ito tung mga kinidpa, in-abduct para magtrabaho doon sa Lucky South 99, yung iba kinuha sa mga casino, pinautang, di na makabayad dinala sa Lucky South at pinagtrabaho sila sa online gaming.”
Sinabi naman ni PAOCC Spokesperson Dr. Winston Casio, “So yung 10 sila yung mas karima-rimarim yung pamamaraan ng pambibiktima, kasi yung deception was very glaring. Pinapautang, they were being prodded na mangutang nang mangutang sa casino for the purpose na ibebenta sila sa Lucky South 99.”
Ayon pa kay Casio, ang Lucky South 99 ay notoryus sa POGO community dahil ito ang pinakamalaking mamimili ng mga taong nalulon sa mga casino.
Aniya, “Meron kasing Chinese group yung mga loan shark na nasa mga casino sa metro manila, tinitingnan nila sino vulnerable para pautangin then ibebenta nila sa higit pa sa pagkakautang doon sa mga POGO, and Lucky South 99 was known for that.”
Moira Encina-Cruz