Catholic bishops ng Spain humingi ng paumanhin matapos ang ulat ng 200,000 pag-abuso
Humingi ng paumanhin ang mga obispo ng Espanya makaraan ang ulat na tinatayang mahigit sa 200,000 mga menor-de-edad ang inabusong seksuwal ng mga paring katoliko simula noong 1940.
Subalit sinabi ng Spanish Episcopal Conference na ang bilang na binanggit sa report ng isang independent commission, “ay hindi tumutugma sa katotohanan.”
Ang report na nalathala noong Biyernes ay hindi nagbigay ng tukoy na bilang ng mga biktimang naabuso, ngunit sinabi na sa isang survey na nilahukan ng mahigit sa walong libong katao ay natuklasan na 0.6 porsiyento ng populasyon ng Spain na nasa hustong gulang na ay dumanas ng pang-aabusong seksuwal mula sa mga pari noong sila ay mga bata pa.
Sa populasyon ng nasa 39 na milyong katao, ito ay katumbas ng may 230,000 mga biktima.
Sa isang pahayag na ipinalabas matapos ang isang extraordinary assembly ay ginawa upang i-assess ang report nakasaad na, “The bishops present have expressed their pain for the damage caused by some members of the Church with sexual abuse and reiterate their request for forgiveness from the victims.”
Dagdag pa ng pahayag, “The abuses committed in the Church hurt. The extrapolation made from the data obtained in a survey attached to the report is also surprising. They do not correspond to the truth nor do they represent the group of priests and believers who work loyally and with dedication of their lives in the service of the kingdom.”
Ang mga kinatawan nito ay nakatakdang magbigay ng isang press conference ngayong Martes tungkol sa usapin.
Ang ulat noong Biyernes, na siyang unang major investigation tungkol sa pag-abuso sa mga menor-de-edad ng mga miyembro ng Catholic Church sa Spain – ay isinapubliko pagkatapos ng 14 na buwan.
Ang mga kasong nakadetalye ay nagmula pa noong 1940s, ngunit ang marami sa mga ito ay nangyari sa pagitan ng 1970 at 1990.
Sa isang mensaheng ipinost sa social media matapos mailathala ang ulat, sinabi ni Juan Jose Omella, Cardinal at pangulo ng Episcopal Conference, na alam ng simbahan ang 1,125 mga kaso ng sexual abuse.
Hindi tulad sa ibang mga bansa, sa Spain — isang tradisyunal na Katolikong bansa na naging napaka-sekular — kamakailan lamang nagsimulang makakuha ng atensiyon ang mga paratang sa pang-aabuso ng mga pari.
Ang parlyamento ng Spain noong Marso 2022 ay lubos na inaprubahan ang paglikha ng isang independiyenteng komisyon.
Tumanggi ang simbahang Katoliko ng Espanya na lumahok sa imbestigasyon, ngunit nagbigay ng mga dokumento sa mga kaso ng pang-aabusong seksuwal.
Bukod nitong inatasan ang isang pribadong law firm na magsagawa ng “auditing” sa nakaraan at pangkasalukuyang sexual abuse ng mga pari, mga guro at iba pang may kaugnayan sa Simbahan, na dapat makumpleto sa pagtatapos ng taon.
Ang mga pattern ng malawakang pang-aabuso sa mga bata sa loob ng Simbahang Katoliko ay naiulat nitong mga nakaraang dekada sa buong Estados Unidos at Europa, sa Chile at Australia, na nagpababa sa moral na awtoridad ng Simbahan na mayroong 1.3 bilyong mga miyembro.
Sa konklusyon ng isang independiyenteng komisyon sa France na natapos noong 2021 ay mayroong nasa 216,000 mga bata na karamihan ay mga lalaki, ang inabusong seksuwal ng mga pari simula noong 1950.