Centenarian ng Taguig City, binigyan ng 100 libong piso ng pamahalaang lungsod
Kasama ang Office for Senior Citizen Affairs (OSCA), personal na hinandugan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ng 100 libong piso bilang centenarian gift, ang 100 taong gulang na si lola Vicenta Garcia, ng Barangay Bambang.
Ayon sa local government ng Taguig, patuloy na makatatanggap ng 100 libong piso ang mga centenarian ng lungsod hangga’t sila ay nabubuhay.
Bukod pa ito sa 3-10 thousand pesos na birthday cash gift na matatanggap naman ng senior citizens ng lungsod, depende sa kanilang age bracket sa ilalim ng City Ordinance No. 25 Series of 2017.
Ilan pa sa mga programa ng lungsod ng Taguig para sa kanilang mga nakatatanda, ay ang libreng gamot para sa mga may diabetes, highblood at asthma, gayundin ang libreng nursing services sa kanilang tahanan, libreng wheelchair, cane at hearing aid.
Tiniyak naman ng pamahalaang panglungsod ng Taguig, na palalawigin pa ang mga programang makapagbibigay ng ginhawa at kasiyahan sa mga senior citizen ng siyudad.
Ulat ni Virnalyn Amado