Chairman ng ERC kinasuhan na ng NBI sa Ombudsman
Kinasuhan na ng NBI sa Office of the Ombudsman ang Chairman ng Energy Regulatory Commission na si Jose Vicente Salazar at tatlong iba pa dahil sa sinasabing maanomalyang audiovisual presentation project ng komisyon.
Kasong paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Section 65 ng Government Procurement Reform Act ang isinampang kaso ng NBI laban kay Salazar.
Ipinagharap din ng reklamo sina Atty. Prescia Vanessa Reynante-Reynoso mula sa ERC Legal Division, ERC Planning and Information Service officer-in-charge Teofilo Arbalate Jr. at Luis Morelos, may-ari ng kumpanyang FATFREE Inc.
Ang reklamo ay bunsod sa naging pagsisiwalat ni dating ERC Director Francisco Jun Villa Jr., na nagpatiwakal matapos r na hindi makayanan ang pressure dahil sa anomalya sa AVP project.
Lumabas sa imbestigasyon ng NBI na pre-selected na ang FATFREE Inc., para sa AVP project ng ERC bago pa man ang bidding para sa infomercial ng komisyon.
Tinukoy pa ng NBI na hindi rin kwalipikado ang FATFREE Inc para lumahok sa bidding dahil sa kakulangan ng 10-taong Professional experience para sa proyekto.
Ulat ni: Moira Encina