Change of leadership sa Kamara, kinumpirma ng ilang mambabatas
Simula sa Oktubre 14 ay mauupo na umano si Marinduque Representative Lord Allan Velasco bilang House Speaker.
Ayon kay Mindoro Rep. Doy Leachon, nagkasundo na sina outgoing House Speaker Alan Peter Cayetano at incoming House Speaker Velasco na mangyayari ang pagpapalit ng liderato ng Kamara sa Oktubre 14.
Ginawa aniya ang kasunduan na ito sa harap mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Leachon, sinubukan pa umano ni Cayetano na hilingin kay Pangulong Duterte na maextend ang kanyang termino hanggang sa kanyang kaarawan sa October 28 pero hindi pumayag si Velasco.
Maging si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, kinumpirma rin niya na sa Pangulo mismo nanggaling na sa Oktubre 14 na rin mauupo si Velasco bilang House speaker.
Ang pahayag nina Leachon at Atienza ay kasunod ng pahayag ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na wala pang napagkasunduang petsa para sa leadership change.
Idinepensa rin ni Atienza si Velasco sa akusasyong nagplano umano ng kudeta sa Kamara.
Giit ni Atienza hindi ito kailangang gawin ni Velasco dahil mayroon namang term-sharing agreement sa pagitan nito at ni Cayetano.
Madz Moratillo