Charter Change panggulo lang ayon kay Senador Imee Marcos
Maaring madiskaril lang umano ang mga programa ng gobyerno kapag ipinilit na pag-usapan ngayon ang anumang amyenda sa saligang batas.
Ito ang iginiit ni Senador Imee Marcos matapos aprubahan ng Kamara ang Joint resolution number 6 na nananawagan ng hybrid constitutional convention.
Hindi pabor si Marcos na talakayin na ngayon ang anumang paraan ng Charter Change at iginiit na hindi ito ang tamang timing.
Aminado si Marcos na maraming probisyon na kailangan nang baguhin sa saligang batas para tumugma sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa pero panggulo lang ito sa trabaho ng mga mambabatas.
Mas kailangan aniyang maresolba ngayon ang problema sa peace and order o pagpatay sa ilang Local government officials kabilang na sina Negros Oriental Governor Roel Degamo at Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri sa Cagayan.
Bukod pa rito ang inflation o mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo at trabaho para sa mga kababayan.
Meanne Corvera