‘Chedeng’ isa nang tropical storm – PAGASA
Lumakas pa ang ‘Chedeng’ na isa na ngayong tropical storm habang binabayo ang bahagi ng Philippine Sea.
Sa latest tropical cyclone bulleting ng state weather bureau PAGASA, iniulat na huling namataan si ‘Chedeng’ sa layong 1,060 kilometers sa silangan ng timog-silangan ng Luzon.
Taglay ni ‘Chedeng’ ang lakas ng hangin na aabot sa 75 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugso nang hanggang 90 kph habang kumikilos pa kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 kph.
Hindi inaasahang magdadala ng malakas na pag-ulan ang bagyo sa anumang bahagi ng bansa sa susunod na 3 hanggang 5 araw, at hindi rin inaasahang makaka-apekto sa pangkalahatang lagay ng panahon ng bansa.
Sa forecast, tinatayang kikilos pa hilagang-kanluran o kanluran hilagang-kanluran mula Miyerkules hanggang sa kalagitnaan ng Biyernes bago kumilos pa hilaga o hilaga hilagang-silangan mula Biyernes hanggang sa kabuuan ng weekend.
Sinabi ng PAGASA na sa buong panahon ng forecast period, mananatili si ‘Chedeng’ na malayo sa kalupaan ng bansa.
Samantala, southwest monsoon o Habagat pa rin ang nakaka-apektong weather system sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon.
Makakaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan at thunderstorms ang Palawan dahil sa Habagat, habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms.
Weng dela Fuente