Chief Justice Alexander Gesmundo pinangunahan ang kauna-unahang virtual town hall meeting ng mga hukom at court personnel sa bansa
Nagpatawag si bagong Chief Justice Alexander Gesmundo ng kauna-unahang virtual town hall meeting sa lahat ng mga hukom at ilang court employees sa bansa.
Sa nasabing pulong nasa SC Division Hearing Room si Gesmundo habang ang iba ay lumahok online sa pamamagitan ng videoconferencing gamit ang Philippine Judiciary 365 platform.
Ito ang unang pagkakataon na pinulong ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang lahat 2,000 judges at ilang court personnel gamit ang live event feature ng Judiciary 365 platform.
Tiniyak ng punong mahistrado na aaksyunan ng Korte Suprema ang mga pangunahing health at work concerns ng mga lower court judges at employees dala ng pandemya.
Binigyan din ng update ng SC ang mga participants ukol sa itinatakbo ng COVID-19 vaccination plan ng hudikatura.
Inihayag ni Justice Estela Perlas- Bernabe na kabilang na ang judiciary employees sa A4 priority population group.
Batay din anya sa NTF magsisimula ang pagbabakuna sa mga nasa A4 category sa Mayo.
Moira Encina