Chief Justice De Castro, nanawagan sa ibang sangay ng gobyerno na igalang ang mga desisyon ng Supreme Court
Nanawagan si Chief Justice Teresita Leonardo- De Castro sa ibang sangay ng pamahalaan na irespeto ang mga desisyon at pagiging independent ng Korte Suprema.
Ang panawagan ay ginawa ni De Castro pagkatapos ng kanyang kauna-unahang flag raising ceremony bilang punong mahistrado.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni De Castro na hindi dapat pakialamanan at dapat hayaan ng ibang sangay ng gobyerno ang Supreme Court sa pagpapasya ng kapalaran ng hudikatura.
Ayon kay De Castro, ang Korte Suprema mismo ang maapektuhan nang malubha kapag nagdesisyon sila ng mali sa isang kaso.
Anya hinuhusgahan sila ng mga taong nasa labas ng Supreme Court batay sa mga naririnig at nakikita lang mga ito.
Pero binigyang-diin ni De Castro na tanging ang mga mahistrado at kawani ng Korte Suprema ang totoong nakakaalam ng nangyayari sa loob nito.
Sinabi pa ni De Castro na dapat maintindihan ng mga co-equal branch ng hudikatura na sa oras na maglabas ng pasya ang Korte Suprema ay dapat itong igalang.
Kaugnay nito, idinipensa ni De Castro ang ruling ng SC sa Sereno quo warranto na tinawag niyang kasong kinasasangkutan ang integridad ng hukuman.
Anya pinag-aralang mabuti ng mga mahistrado ang Konstitusyon, mga batas at mga ebidensya sa kanilang pagpapasya.
Dahil dito iginiit ni De Castro na humihingi sila ng respeto sa ibang sangay ng pamahalaan.
Ulat ni Moira Encina