Chikiting Ligtas Campaign ng DOH nagpapatuloy
Higit kalahati na ng target mabakunahan kontra Tigdas, Rubella at Polio ang naturukan na sa ilalim ng ‘Chikiting Ligtas Campaign’ ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Officer-in-Charge Ma. Rosario Vergeire na hanggang noong Mayo 15, nasa 5.3 milyong bata na ang nabakunahan kontra Tigdas at Rubella.
Katumbas ito ng 55.47% ng target na mabakunahan ng DOH.
Samantala, may 1.6 milyong bata naman ang nabigyan na ng oral polio vaccine o katumbas ng 52.12%.
May 2.2 milyong bata naman ang nabigyan ng Vitamin A supplement.
Para sa bakuna kontra tigdas at rubella ang mga batang 9 hanggang 59 na buwan ang maaaring tumanggap nito, habang ang mga batang 0 hanggang 59 na buwan naman ang para sa oral polio vaccine (OPV).
Hinikayat ni Vergeire ang mga magulang na samantalahin ang bakunahan para maiwasang magkaroon ng outbreak ng sakit.
Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, maraming bata ang hindi nabakunahan laban sa mga nasabing sakit kaya inilunsad ng gobyerng ang catch up vaccination na ito.
Madelyn Villar-Moratillo