“Chikiting Ligtas Campaign” ng DOH, pinalawak pa
Pinalawak ng Department of Health (DOH) ang mga lugar kung saan maaaring magpabakuna sa mas pinalawak pang “Chikiting Ligtas Campaign” laban sa tigdas, rubella at polio.
Sa abiso ng DOH, sa mga nasa Metro Manila magkakaroon na rin ng vaccination sites sa iba’t ibang malls malapit sa kanilang lugar.
Para sa schedule ay maaari umanong makipag-ugnayan sa pinakamalapit na health center.
Para sa bakuna kontra tigdas at rubella, ang maaaring tumanggap nito ay mga batang 9 hanggang 59 na buwan; habang ang oral polio vaccine (OPV) ay maaaring ibigay sa mga batang 0 hanggang 59 na buwan ang edad.
Sa pinakahuling datos ng DOH, sa unang linggo ng bakunahan mula ng ilunsad ito ngayong Mayo, 2.3 milyong bata na ang nabakunahan kontra tigdas, higit 800,000 bata naman sa polio at may halos 400,000 naman ang nabigyan ng vitamin A supplement.
Madelyn Moratillo