Chikiting Ligtas program ng DOH pinalawig hanggang June 15
Pinalawig ng Department of Health (DOH) hanggang sa Hunyo 15 ang Chikiting Ligtas program.
Ito ay pinaigting na bakunahan kontra Tigdas at Polio para sa mga batang below 5 years old.
Ang nasabing programa ay hanggang nitong Mayo 31 lang sana.
Pero hanggang nitong Mayo 30, hindi pa na-abot ng kagawaran ang 100% ng target mabakunahan.
Sa data ng DOH, hanggang Mayo 30, umabot na sa 7.5 milyong bata na nasa edad 9 hanggang 59 na buwang gulang ang nabakunahan kontra measles at Rubella o katumbas ng 77.72 percent ng kanilang target.
Nasa 2.1 milyon namang sanggol hanggang 59 na buwan ang nabigyan ng Oral Polio vaccine o katumbas ng 67.87 percent ng kanilang target.
Ang pina-igting na kampanya ng DOH para sa catch up vaccination kontra tigdas at Polio ay para maiwasan ang pagkakaroon ng outbreak ng sakit.
Nitong kasagsagan kasi ng COVID-19 Pandemic ay maraming bata ang hindi napabakunahan.
Sa monitoring ng DOH, tumaas ng 342 percent ang kaso ng measles at rubella mula Enero hanggang Mayo 13 ng taong ito.
Mula sa 144 cases lamang noong 2022 pumalo na ito ngayon sa 636.
May 2 ring naiulat na nasawi ngayong taon dahil sa tigdas.
Paalala ng DOH walang gamot sa tigdas at polio pero puwede itong maiwasan sa panamagitan ng bakuna.
Madelyn Moratillo