China dapat makuha ang tiwala ng mga Pinoy – Defense chief
Dapat umanong anihin muna ng China ang tiwala ng mga Pilipino.
Ginawa ni Defense Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro ang pahayag sa harap ng patuloy na pagiging agresibo ng China sa paggigiit ng territorial claims nito sa South China Sea.
Sa briefing sa Malacañang, hiningan ng komento si Teodoro matapos kwestyunin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang umano’y magkakataliwas na salita at aksyon ng China sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
“As a stronger country, it has a bigger obligation to be magnanimous and show trust and to earn the trust of the Filipino people by conforming its activities to recognize norms of international law,” pahayag ni Teodoro sa briefing sa Malacañang.
Sinabi rin ni Teodoro na isinusulong din niya ang ‘de-confliction’ para resolbahin ang usapin ng teritoryo ng bansa sa South China Sea.
“Yung de-confliction, as much as possible, iyan ay balanse ng pagtatayo sa lahat ng gustong umabuso sa ating territorial integrity, coupled with de-confliction, kung pwedeng pag-usapan, mag-usap,” paliwanag pa ng bagong defense chief.
“Pero mayroong hindi pwedeng i-cross ang Secretary of National Defense (SND), hindi natin pwedeng i-bargain away ang ating teritoryo sa kahit anumang usapin,” dagdag na pahayag pa ni Teodoro.
Sinusugan din ng bagong defense chief ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang hakbang ng Pilipinas para palakasin ang defensive capabilities nito ay para sa kapakanan ng bansa at hadlangan ang anumang banta sa seguridad nito.
“Ang pagtatag ng ating credible deterrence, ang pagtatatag ng ating kakayahan na ipagtanggol ang ating sarili ay sarili nating usapin. Kung sinuman ang i-partner natin, wala ng paki-alam iyong ibang mga tao dyan,” pagdidiin pa ni Teodoro.
Sa isang panayam sa telebisyon, nanindigan din si Teodoro na ang pagtatalaga ng karagdagang lokasyon para sa implementasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Estados Unidos ay pawang sa defense efforts lamang ng bansa.
Naniniwala si Teodoro na maraming bansa ang makikinabang sa Pilipinas kung mayroon itong kalayaan at matatag na ekonomiya, na hindi matatamo kung walang mahusay na kakayahang pang-depensa.
Weng dela Fuente