China, muli nang mag-iisyu ng visa sa mga dayuhan
Magsisimula na muli ang China na mag-isyu ng mga visa sa mga dayuhan, ayon sa embahada ng China sa Washington, isang malaking pagluwag sa mga paghihigpit sa paglalakbay na ipinatupad mula noong sumiklab ang pandemya ng Covid-19.
Ang hakbang ay palatandaan ng pinakabagong hakbang patungo sa muling pagbubukas ng China sa buong mundo, habang ang Beijing ay unti-unting humihiwalay sa mahigpit na zero-Covid strategy na naging tugon nila sa pandemya hanggang sa nakalipas na ilang buwan.
Ayon sa embassy notice na ipinost nitong Lunes, bilang karagdagan sa bagong travel documents na nirerepaso at inaaprubahan, ang mga visa na inisyu bago ang March 28, 2020 na valid pa rin ay magpapahintulot sa pagpasok sa China.
Nakasaad pa sa notice, na ang updated policy ay magbibigay-daan din para sa pagpapatuloy ng visa-free travel para sa mga darating lulan ng cruise ship papuntang Shanghai, gayundin para sa ilang grupo ng turista mula Hong Kong, Macau at mga bansa sa loob ng ASEAN regional grouping.
Batay sa data mula sa UN World Tourism Organization, ang China ay tumanggap ng 65.7 milyong international visitors noong 2019, bago isinara ng bansa ang sarili sa iba pang lugar sa buong mundo.
Habang ang karamihan sa iba pang mga bansa ay nagsimulang ganap na muling buksan ang kanilang mga ekonomiya at tumanggap ng international travelers ng mas maaga, ang China ay nagsimula lamang na lumabas mula sa mahigpit nitong mga patakaran sa pagpigil sa Covid noong huling bahagi ng 2022, matapos ang mga bihirang demonstrasyon laban sa signature zero-Covid strategy ni Pangulong Xi Jinping na sumiklab sa buong bansa.
Ang naturang mga protesta sa huling bahagi ng Nobyembre ay lumawak hanggang sa mga panawagan para sa higit pang mga kalayaang pampulitika, na ang ilan ay nanawagan pa kay Xi na magbitiw, at naging pinakamalawak na pagsalungat sa komunistang paghahari mula nang mangyari ang 1989 democracy uprising na winasak ng militar.
Ang anunsyo na ang China ay muli nang mag-iisyu ng mga visa sa mga dayuhan ay nangyari makaraang tapusin ng parliyamento ang isang mahalagang sesyon sa Beijing, kung saan si XI ay nakumpirma sa ikatlong termino bilang pangulo at ang malapit niyang kaalyadong si Li Qiang ang naging premier.
© Agence France-Presse