China nakikipaglaban sa panibagong Covid outbreak
Libu-libong katao sa northern China ang isinailalim sa mahigpit na stay-at-home orders ngayong Lunes, upang mapigilan ang isang lumalaking Covid outbreak ngayong papalapit na ang Beijing Winter Olympics.
Inabisuhan din ang mga residente ng Beijing na huwag lalabas ng siyudad maliban kung lubhang kailangan, bagama’t ang regular na transport services palabas ng lungsod ay normal ang operasyon.
Ang China ay nakapag-ulat ngayong araw ng 39 na mga bagong kaso. Bunsod nito ay umaabot na sa 100 ang mga kaso ng latest Delta variant-linked outbreak.
Ang bilang ay lubhang mababa kung ikukumpara sa iba pang mga lugar sa buong mundo, nguni’t isinulong ng China ang isang zero-case strategy sa buong panahon ng pag-iral ng pandemya at determinado ang mga awtoridad na pigilan ang latest outbreak, laluna at higit 100 araw na lamang at Winter Olympics na.
Ilang housing compounds sa Beijing ang ini-lockdown, at ipinagpaliban din ng organisers ang isang marathon na lalahukan sana ng 30,000 mananakbo.
Nasa 23,000 mga residente ng isang housing compound sa Changping district ang inatasang manatili sa loob ng bahay, matapos may matuklasang siyam na kaso sa lugar sa nakalipas na mga araw.
Nagbabala naman ang health officials na mas marami pang kaso ang lilitaw, dahil paiigtingin pa ang testing sa susunod na mga araw para malabanan ang outbreak, na iniuugnay sa isang grupo ng domestic tourists na bumiyahe sa magkabilang panig ng China (AFP).