Chinese astronauts nakabalik na sa Mundo makaraan ang ‘matagumpay’ na misyon
Ligtas na nakabalik sa Mundo nitong Martes, ang tatlong Chinese astronauts makaraan ang limang buwan sa space station ng China sa kalawakan.
Sina Jing Haipeng, Zhu Yangzhu at Gui Haichao ay nag-touch down sa Dongfeng landing site sa China, alas-8:11 ng umaga nitong Martes, ayon sa state broadcaster CCTV.
Makikita sa footage ang kanilang return capsule na nakakabit sa isang parachute habang bumababa sa Gobi Desert, na nagpaalimbukay sa kulay kahel na alikabok nang lumapag na ito sa lupa.
Ayon sa CCTV, “On-site medical supervision and insurance personnel confirmed that the astronauts… are in good health. The Shenzhou-16 crewed flight mission was a complete success.”
Sina Jing, Zhu at Gui ay sumakay sa Tiangong space station ng China noong Mayo, at namalagi sa kalawakan sa loob ng 154 na araw.
Ginugol nila ang kanilang panahon sa pagsasagawa ng scientific experiments at halos walong-oras na spacewalk.
Pinalitan sila ng bagong crew noong isang linggo, pagkatapos mag-take off ng Shenzhou-17 mission mula sa Jiuquan launch site sa hilagang-kanluran ng China.
Sina Tang Hongbo, Tang Shengjie at Jiang Xinlin ay magsasagawa naman ng “space science and application payload tests,” ayon sa Manned Space Agency ng China.
Magsasagawa rin sila ng maintenance work upang ayusin ang minor damage sa station na dulot ng space debris.
Pinaigting pa ng Beijing ang plano nitong maging isang major space power simula nang maupo sa puwesto si President Xi Jinping, isang dekada na ang nakalilipas.
Ang ikalawang pinakamayamang ekonomiya sa buong mundo ay namuhunan ng bilyong dolyar sa kanilang military-run space programme, upang makahabol sa Estados Unidos at Russia.
Target din ng China na magpadala ng isang crewed mission sa Buwan pagdating ng 2030 at unti-unting magtayo ng isang base sa ibabaw nito.