Chinese envoy naniniwala na ‘di makakaapekto sa kooperasyon ng PH at Tsina ang insidente sa Ayungin Shoal
Kung si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang tatanungin ay hindi dapat na makasagabal sa kooperasyon ng Tsina at Pilipinas ang pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal sa pagitan ng China Coast Guard at mga Pilipinong mangingisda.
Sinabi ni Huang na sa nakaraang pagbisita sa Tsina ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagkasundo ito at si Chinese President Xi Jinping na pagibayuhin pa ang people to people exchanges at tourism cooperation ng dalawang bansa.
Umaasa ang Chinese envoy na mag-aambag sa mutual trust sa pagitan ng China at Pilipinas ang maraming people to people exchanges.
Aniya sa pamamagitan din nito ay mas lalong mapapaigting ang tradisyonal na pagkakaibigan at kooperasyon ng dalawang bansa.
Tiwala rin ang diplomat na mas maraming Chinese pa ang bibisita sa Pilipinas lalo na’t nagsimula na muli ang outbound travels.
Kabilang ang Pilipinas sa 20 bansa para sa pilot outbound tourism group tours ng Tsina.
Moira Encina