CHR, sinimulan na ang imbestigasyon sa isyu ng strip search sa Bilibid
Inumpisahan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang imbestigasyon sa isyu ng strip search sa dalawang bisita ng inmates sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), apat na special investigators ang nagtungo sa Bilibid na may bitbit na mission orders.
Kinilala ang mga imbestigador na sina Atty. Rommel Tinga, SI III Michele Tuliao, SI III Mays Sylvette Rojas at SI II Ma. Milanie Arao.
Sinabi ng BuCor na ipinaliwanag at nagsagawa ng simulation ng strip cavity search sa lahat ng PDL visitors.
Ipinakita rin sa mga tauhan ng CHR NBP Maximum Camp kabilang ang conjugal facilities at ang parke para sa jail visitors at kanilang mga anak na bata.
Ipinabatid naman ng CHR sa BuCor na ipapa-subpoena ang mga babaeng searcher para magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay.
Una nang nagreklamo sa CHR ang dalawang misis ng Bilibid inmates matapos ang strip search sa kanila.
Moira Encina