CIDG inatasang imbestigahan ang umano’y bentahan ng COVID-19 vaccines
Inatasan na ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na pangunahan ang imbestigasyon sa umano’y bentahan ng mga COVID vaccine ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Eleazar, mananagot sa batas ang mga responsable at gumagawa ng mga ganitong modus.
Alinsunod aniya sa direktiba ni Interior Secretary Eduardo Año, inaatasan din niya ang CIDG na arestuhin ang mga nasa likod ng ganitong ilegal na gawain.
Batay sa advisory ng Food and Drugs Administration (FDA) at National Task Force Against COVID-19, ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga bakuna kontra COVID-19, dahil ito ay ibinibigay ng libre sa mga mamamayan kahit pa ang ibang bakuna ay binili ng gobyerno.
Una nang kumalat sa social media na ibinibenta ng mga local givernment unit (LGU) ang mga COVID vaccines sa halagang 10-15 libong piso depende sa brand.
Pinayuhan din ni Eleazar ang publiko na huwag sumakay sa modus na ito, at ang nararapat gawin ay magparehistro sa barangay o online, at hintayin ang kanilang schedule ng pagbabakuna alinsunod sa priority list ng gobyerno.
Hinimok ng PNP Chief ang publiko na agad isumbong sa pulisya sakaling makasumpong ng mga ganitong klaseng modus.