City of Ilagan, isinailalim sa state of Calamity dahil sa biglaang pagbaha
Isinailalim sa state of calamity ang buong lungsod ng Ilagan sa Isabela dahil sa malawakang pagbaha bunsod ng walang humpay na buhos ng ulan dala ng nagdaang bagyo kasabay ng pagtaas ng tubig mula sa Cagayan river dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa Magat dam.
Nalubog ang mahigit limapung barangay ng lungsod, labing pito dito ang hindi mapasok ng kahit anong sasakyan dahil abot bubong ang taas ng baha kaya gumamit na ng rubber boat ang lokal na pamahalaan upang ilikas ang mga residenteng naipit ng matinding pagbaha.
Nasa limampung milyung piso ang tinatayang pinsala sa agrikutura habang aabot sa 1,800 ektaryang sakahan at taniman ang napinsala.
Ayon kay Mayor Josemarie Diaz, ngayon lamang ulit naranasan ng lungsod ang ganito katinding pagbaha mula pa noong 1984.
Aabot sa tatlumpung libong pamilya ang apektado o katumbas ng siyamnaput dalawang libong indibiduwal.
Agad naman silang hinatiran ng tulong pangunahin na ang pagkain at malinis na tubig na maiinom.
Ilang residente ang piniling sa tabi ng kalsada na lamang pansamantalang mamalagi at doon na magluto ng kanilan makakain.
(report ni eaglenews correspondent Erwin Temperante )