Claimant ng P8.5-M party drugs mula Belgium, nahuli sa Las Piñas
Naaresto ng mga awtoridad ang claimant ng halos 5,000 piraso ng ecstasy tablets na nagkakahalaga ng P8.5 million sa Las Piñas City.
Ayon sa Bureau of Customs o BOC-Port of Clark District Collector Alexandra Lumontad, ang claimant na hindi pinangalanan ay inaresto sa isinagawang controlled delivery operation ng mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Customs Anti-illegal Drugs Task Force (CAIDTF), Enforcement and Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), sa address ng consignee sa siyudad.
Sinabi ni Lumontad na ang shipment mula sa Brussels, Belgium na dumating nitong Lunes, ay idineklarang lampara at isinailalim sa X-ray scanning pagdating
Lumitaw sa X-ray screening na posibleng may presensiya ng narkotiko na nakatago sa loob ng lining ng kahon. Isinailalim ito sa K9 sweeping na nagbigay ng positibong indikasyon na may ilegal na droga sa kargamento.
Sa pisikal na eksaminasyon, nadiskubre ng mga awtoridad na ang kahon ay may lamang isang lampara na may mga nakatagong anim na transparent plastic pouches na ibinalot sa carbon film. Ang pouches ay naglalaman ng 4,976 piraso ng pink at gray ecstasy tablets.
Nag-isyu si Lumontad ng warrant of seizure and detention sa naturang shipment dahil sa paglabag sa Sections 1400, 118 (g), 119 (d) and 1113 par. f, i & l (3 & 4) ng Republic Act (RA) 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ilang sample naman ang dinala sa PDEA para isailalim sa chemical laboratory analysis, kung saan nakumpirma na substance ay methylenedioxymethamphetamine (MDMA) o ecstasy nga, isang mapanganib na droga sa ilalim ng RA 9165.
Ang kontrabando ay iti-turn-over sa PDEA para sa kaukulang disposisyon, habang ang claimant ay isasailalim sa inquest proceedings.
Lumitaw sa record ng BOC, na ang nasabing operasyon ay ika-pito nang major drug apprehension ng Port of Clark para sa 2021.
Sa ngayon, nakasamsam na ito ng P53.5 milyong halaga ng ilegal na droga.