Claudia Sheinbaum, gumawa ng kasaysayan bilang unang babaeng pangulo ng Mexico
Gumawa ng kasaysayan si Claudia Sheinbaum, makaraang mahalal bilang unang babaeng pangulo ng Mexico sa pamamagitan ng isang landslide victory, batay sa preliminary official results.
Inanunsiyo ng National Electoral Institute, na ang 61-anyos na dating alkalde ng Mexico City, na isang scientist by training, ay nagwagi ng humigit-kumulang 58-60 percent ng mga boto.
Ito ay mahigit 30 percentage points na kalamangan sa kaniyang katunggali na si Xochitl Galvez, at may 50 percentage points na kalamangan sa nag-iisang lalaking tumakbo, ang centrist na si Jorge Alvarez Maynez.
Bumuhos ang mga botante sa polling stations sa magkabilang panig ng bansa, sa kabila ng nangyayaring mga karahasan sa mga lugar na matagal nang ginugulo ng ultra-violent drug cartels.
Libu-libong tropa naman ng pamahalaan ang ipinakalat upang proteksiyunan ang mga botante, kasunod ng isang partikular na madugong electoral process kung saan mahigit sa dalawang dosenang ‘aspiring local politicians’ na ang napatay.
Matapos bumoto ay inihayag ni Sheinbaum na hindi niya ibinoto ang kaniyang sarili, kundi ang 93-anyos na veteran leftist na si Ifigenia Matinez, bilang pagkilala sa mga naging sakripisyo nito, sa eleksiyon na tinawag niyang “makasaysayan.”
Makaraang matapos ang botohan, ay hinimok ni Galvez ang kaniyang followers na mahigpit na bantayan ang bilangan.
Sinabi ni 61-anyos na senador at negosyante na nagmula sa mga katutubo, “We are competing against authoritarianism and power and they are capable of anything.”
Halos 100 milyong katao ang nagparehistro upang makaboto sa pinakapopular na Spanish-speaking country sa mundo, na tahanan ng 129 milyong katao.
Malaking bahagi ng kaniyang popularidad ay utang na loob ni Sheinbaum sa outgoing President na si Andres Manuel Lopez Obrador, isang kapwa niya leftist at mentor na may approval rating na mahigit sa 60 percent, ngunit pinahintulutan lamang na magsilbi ng isang termino.
Sa isang bansa kung saan ang pulitika, krimen, at katiwalian ay malapit na magkakaugnay, sukdulan ang ginagawa ng drug cartels upang matiyak na mananalo ang pinapaboran nilang kandidato.
Ilang oras bago magsimula ang botohan, isang lokal na kandidato ang pinatay sa isang marahas na estado sa kanluran, ayon sa mga awtoridad, bukod pa ito sa hindi bababa sa 25 iba pang political hopefuls na namatay ngayong election season, batay na rin sa official figures.
Sa central Mexican state ng Puebla, dalawa katao ang namatay matapos atakihin ng mga hindi nakilalang salarin ang polling stations upang magnakaw ng election papers, ayon sa isang local government security source.
Nasuspinde naman ang botohan sa dalawang munisipalidad sa southern state ng Chiapas dahil sa karahasan.
Nangako si Sheinbaum na ipagpapatuloy ang kontrobersiyal na “hugs not bullets” strategy ng outgoing president sa pagharap sa ugat ng mga krimen.
Nangako naman si Galvez ng mas mabagsik na approach sa cartel-related violence, sa pagdedeklarang “hugs for criminals are over.”
Mahigit sa 450,000 katao ang pinatay at libu-libong iba pa ang nawala simula nang ipakalat ng gobyerno ang army upang labanan ang drug trafficking noong 2006.
Kailangan ding pangasiwaan ng susunod na pangulo ang maselang relasyon sa kapitbahay nitong Estados Unidos, partikular ang isyu ng cross-border drug smuggling at migration.
Bukod sa pagpili ng magiging bagong pangulo, bumoto rin ang mga Mehikano para sa mga miyembro ng Kongreso, ilang state governors at mga lokal na opisyal, o kabuuang mahigit 20,000 mga posisyon.