Clean-up operation sinimulan na sa California, matapos manalasa ng bagyong Hilary
Sinimulan na ng Southern California ang clean-up operation, matapos makaranas ng “record rainfall,” na nagdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa, pagsasara ng mga eskuwelahan, mga kalsada at mga negosyo sa isang “unprecedented” tropical storm.
Umabot hanggang sa 11 pulgada (28 sentimetro) ng ulan ang naitala sa ilang lugar habang nananalasa ang bagyong Hilary sa rehiyon.
Sa Oak Glen, isang maliit na komunidad sa gilid ng bundok na nasa pagitan ng Los Angeles at Palm Springs, isang malawak na mudslide ang gumapang sa magkabilang panig ng mga kalsada.
Ginawang ilog ng bagyo ang mga highway, at maraming mga motorista ang na-stranded.
Malawakan ding naantala ang pagbubukas ng mga pampublikong paaralan, kung saan ipinagpaliban ang klase sa ilang school districts, kabilang ang sa Los Angeles.
Mula sa pagiging isang Category 4 hurricane, ang pangalawang pinakamalakas sa five-step Saffir-Simpson scale, si Hilary ay humina at naging isang tropical storm habang bumabagtas sa Estados Unidos mula Mexico, at kalaunan ay naging isang post-tropical cyclone.
Pagdating ng Lunes ng hapon, ang bakas ng bagyo ay nagbanta naman sa Oregon at Idaho.
Sinabi ng National Weather Service (NWS), “A plume of moisture associated with what was once Hilary will produce showers and thunderstorms over parts of California, the Great Basin, Southwest, Pacific Northwest, Northern Intermountain Region, and Northern Rockies.”
Dagdag pa nito, “The associated heavy rain will create mainly localized areas of flash flooding, with urban areas, roads, small streams, and burn scars the most vulnerable.”
Babala naman ni Los Angeles Mayor Karen Bass, “This is an unprecedented weather event.”
Ayon naman sa tanggapan ni California Governor Gavin Newsom, nagbukas ang mga awtoridad ng limang storm shelters at nag-deploy ng mahigit sa 7,500 mga tauhan, kabilang ang ilang daang mga sundalo ng National Guard maging ang swiftwater rescue teams.
Sa San Diego, naghanda ng sandbags ang mga tao bilang paghahanda sa posibleng pagbaha, habang nagbabala naman ang lifeguards sa mga tao na huwag gagawi malapit sa dagat.
Sa pangkalahatan, maraming mga lugar ang dumanas lamang ng malalakas na pag-ulan, ngunit may ilang rural areas na nakaranas ng mga pagbaha.
Sinabi ni climate scientist Daniel Swain, “Sunday had been the wettest day ever between June and August. That’s not nothing. That’s a pretty remarkable statistic, pointing to the extremity of the precipitation event that did unfold.”
Dagdag pa niya, “In many cases, it didn’t fall as quickly as had been feared in some places and so I think that the flood impacts thankfully, were not as potentially catastrophic as they could have been.”
Mas malala naman ang naging epekto ng bagyo sa Mexico, kung saan sinabi ng Civil Protection agency na isa ang namatay matapos tangayin ang isang sasakyan ng umapaw na ilog.
Nagbukas ang Mexican army ng 35 shelters na nagsilbing kanlungan ng 1,725 kataong apektado ng bagyo.
Nagdeploy din ang Mexican government ng halos 19,000 mga sundalo sa mga estadong pinakaapektado ng bagyo, habang nagpadala naman ang federal electric utility ng 800 mga trabahador at daan-daang mga sasakyan upang rumesponde kung may mangyaring pagkaputol ng serbisyo ng kuryente.