Clinical trial sa Lagundi at Tawa tawa bilang panggamot sa COVID-19 tuloy parin -DOST
Tuloy parin ang mga ginagawang Clinical trial ng Department of Science and Technology sa lagundi at tawa-tawa bilang panggamot sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Jaime Montoya, executive director ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development, para sa Lagundi clinical trial ay nakumpleto na ang screening at recruitment ng participants para sa stage 2 ay nakumpleto na.
Sa pinakahuling datos ay may 203 participants na aniya ang nag -enroll para makasali sa Lagundi trial.
Sa ngayon ay patuloy rin aniya ang clinical trial para sa Tawa tawa na inaasahang matatapos sa Hulyo.
Ang target aniya ng tawa-tawa trial ay mga “mild to moderate” cases ng COVID-19.
Ilan sa kanilang tinitingnan aniya sa trial ay ang safety at efficacy ng Lagundi at Tawa tawa laban sa COVID-19 na sinasabing anti-viral o anti-inflammatory at nakakatulong sa pagpapataas ng blood platelet.
Sa Lagundi trial naman ay inaalam rin aniya nila kung uubra ito bilang “symptomatic relief” para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Maliban sa mga ito, tuloy parin ang pag-aaral ng DOST sa iba pang posibleng gamot kontra COVID-19 gaya ng virgin coconut oil, convalescent plasma at melatonin.
Bukod sa mga nasa isolation facilities, may ginagawa rin aniyang pag- aaral kung epektibo ang VCO sa COVID- 19 patients na nasa ospital.
Madz Moratillo