Coast Guard inaalam ang pinagmulan ng oil spill sa Batangas
Bigo pa rin ang Philippine Coast Guard (PCG) na matukoy ang pinagmulan ng tumagas na langis sa dalawang munisipalidad ng Batangas.
Sinabi ni Coast Guard officer-in-charge Vice Admiral Rolando Punzalan, kasalukuyang inaalam ng ahensya ang pinagmulan ng oil spill katuwang ang Marine Environment Protection Command.
Hinala ng PCG na galing ito sa MT Princess Empress na lumubog sa Oriental Mindoro noong February 28.
“Kasama po sa ating procedure ay ang tinatawag nating finger printing analysis na ginagawa po sa Marine Environmental Protection Command natin at imina-match natin iyan sa mga possible sources ng oil, hindi lang po iyong mga vessels na nasa kapaligiran kung hindi pati na rin po iyong mga shore establishment,” paliwanag ni Admiral Punzalan sa isang public briefing.
“Once na malaman po nila na may match, then this is reported officially to our higher headquarters; doon po natin malalaman,” dagdag pa ng opisyal.
Namataan ang oil spill sa Brgy. 4 sa Calatagan at sa Bgy. Klamias sa Mabini, Batangas.
Samantala, tiniyak naman ng PCG na patuloy pa rin sa paglilinis ang ahensiya at inaasahang matatapos na ang clean up operations sa tumagas na langis sa Batangas bago pa tumama ang bagyong Mawar sa bansa.
“Based on our report, we’re almost done with the cleaning up of the sighted oil in this two barangays na inyo pong tinutukoy. So, I think, by the time that the typhoon comes in, we will already be finished with the cleanup operations,” dagdag pa ng Coast Guard OIC.
Celine Dorado