Colombia, naka-alerto sa gitna ng pagtugis sa tumakas na Ecuador gang boss
Naka-high alert ang army ng Colombia simula pa nitong Biyernes, dahil sa posibilidad na ang mga gangster na tumakas mula sa mga bilangguan sa Ecuador, na kinabibilangan ng makapangyarihang cartel leader, ay makapasok sa bansa.
Ang katabi nitong Ecuador ay niyanig ng gang violence simula nang makatakas sa kulungan ang lider ng pinakamalaking gang ng bansa na Los Choneros, na nagbunsod upang magsagawa ng crackdown ang gobyerno sa drug cartels.
Nagdeploy ang gobyerno ng mga sundalo upang magpatrol sa mga lansangan, makaraan ang isang serye ng mga pagsabog at armed attacks na nag-iwan sa 16 kataong patay sa loob ng limang araw, habang maraming mga bilanggo ang nakatakas.
Nitong Biyernes ay kinumpirma ng pulisya ang ‘authenticity’ ng isang video na nagpapakita sa patay na katawan ng isang bilanggo na nakabalot sa plastic na itinapon sa kalsada galing sa loob ng isang piitan.
Hindi bababa sa 175 prison guards at administrative officials ang hinostage ng mga bilanggo sa mga piitan, na nakokontrol ng druglords.
Ang sitwasyon ay nagbunsod sa katabing bansa na Colombia at Peru upang magpatupad ng seguridad sa kanilang borders.
Sinabi ni Colombian army chief Helder Giraldo, “There are 20 fugitives for which we are on high alert.”
Nang tanungin kung ang lider ng Los Choneros na si Adolfo Macias, alias “Fito,” ay maaaring nasa Colombian territory na, ay sinabi nito na iyon ay posible.
Dating balwarte ng kapayapaan na nasa pagitan ng pangunahing cocaine producers, ang Ecuador ay dumanas ng krisis makaraan ang ilang taong paglago ng kontrol ng transnational cartels, na ginagamit ang kanilang mga pantalan upang magbiyahe ng droga sa Estados Unidos at Europe.
Ang criminal gangs sa bansa na mayroong nasa 17 milyong katao, ay tinatayang may mahigit sa 20,000 mga miyembro.
Ang Colombia, na pinakamalaking producer ng cocaine, ay nangangambang humina ang kanilang border security bilang resulta ng deklarasyon ng giyera ni Ecuadorean President Daniel Noboa laban sa mga gang.
Inanunsiyo rin ni Noboa ang planong “repatriation” ng 1,500 nakakulong na Colombians sa kanilang bansa upang mabawasan ang ‘overcrowding’ sa mga kulungan sa Ecuador.
Binatikos ni Colombian President Gustavo Petro ang naturang plano at tinawag iyon na isang “problematic mass expulsion.”