Comelec at non partisan group, Lumagda sa isang kasunduan
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement ang Commission on Election at non partisan group Vote Pilipinas.
Bahagi ito ng pinaigting na voter education campaign ng Comelec at upang mahikayat ang mas maraming botante na bumoto sa araw ng halalan.
Target nila na mapataas pa ng 10 porsyento ang voters turn out para sa May 9,2022 National and Local Elections.
Noong 2019 elections, ayon sa Comelec nasa 75 hanggang 78% ng mga rehistradong botante ang bumoto.
Para sa 2022 elections, aabot sa 67.5 milyon ang registered voters ayon sa poll body.
Bilang katuwang ng Comelec, magsasagawa ang Vote Pilipinas ng mg webinar, at caravan sa buong bansa na sisimulan nila ngayong buwan upang mas maraming botante ang kanilang maabot.
Magkakaroon rin sila ng candidate profile dashboard kung saan maaaring makita ng publiko ang mga mahahalagang impormasyon patungkol sa mga kandidato sa National positions gaya ng Presidente, Bise Presidente, mga senador at Partylist.
Mayroon rin silang website na mistulang one stop shop dahil makikita rito lahat ng impormasyong kailangan ng isang botante.
Paalala naman ni Commissioner Socorro Inting, Acting Chairperson ng Comelec, balewala ang pagpaparehistro kung hindi makakaboto sa mismong araw ng halalan.
Una ng tiniyak ng Comelec na may nakalatag na silang safety measures para masiguro ang ligtas na halalan lalo at nagpapatuloy parin ang Covid-9 pandemic.
Samantala, naniniwala naman si Commissioner Aimee Ferolino na hindi makakaapekto sa kredibilidad ng Comelec at ng gagawing halalan sa Mayo ang naging isyu nila ng nagretirong si Commissioner Rowena Guanzon.
Madz Moratillo