COMELEC, ’di na muna tatanggap ng mga pirma para sa People’s Initiative
Inanunsiyo ng Commission On Elections (COMELEC) na hindi na muna sila tatanggap ng mga pirma para sa People’s Initiative ( PI ).
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, ito ay para magkaroon sila ng pagkakataon na malinawan ang lahat ng isyu at katanungan patungkol sa PI.
“ Indefinite ito..ibig sabihin depende kung kailan mailalabas ng COMELEC ang kanilang ammended rules. Ang suspensiyon na ito ay effective immediately “ ani Garcia.
Bubuo naman ng review team ang poll body na tututok sa pag-aaral ng mga posibleng kuwestiyon at iba pang dapat baguhin sa Implementing Rules and Regulation (IRR) para sa People’s Initiative.
Dagdag pa ng opisyal “ Para naman sa mga pirma na naisumite na sa Local Comelec Offices, pwede itong itago muna ng COMELEC..pero pwede pa naman bawiin ng proponents kung gusto nila.”
Maglalabas umano ang COMELEC ng pormal na resolusyon kaugnay nito.
Umapela naman si Chairman Garcia na huwag sanang haluan ng pulitika ang kanilang desisyong ito.
Bago sinuspinde ang pagtanggap ng mga pirma, nasa 209 na umano sa 254 Legislative Districts sa bansa ang nakapagsumite na.
Nasa Pitong milyong (7-M) pirma na ang nakalap bago ang suspensiyon.
Madelyn Villar Moratillo