Comelec, iginiit na SC lang ang pwedeng pumigil sa pagtanggap ng mga pirma para sa Cha Cha
Ang Korte Suprema lang umano ang pwedeng pumigil sa Commission on Elections sa pagtanggap ng mga pirma kaugnay ng Peoples Initiative.
Pero, ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Comelec, ito ay kung may justifiable issue na.
Tugon ito ng Comelec sa mga kumukwestiyon sa pagtanggap nila ng signature forms kahit wala pa silang natatanggap na petisyon para sa Peoples Initiative.
Bilang sagot naman sa pahayag ng election lawyer na si Atty Romulo Macalintal na itigil ng Comelec ang pagtanggap ng mga pirma na ito giit ni Laudiangco trabaho nila ito at hindi pwedeng tanggihan.
Para naman sa mga napilitan lang pumirma, payo ni Laudiangco, pumunta lang sa kanilang mga tanggapan.
Sa 254 legislative district sa bansa, higit 160 na ang nakapagsumite ng signature forms sa local offices ng Comelec.
Pero kahit lahat pa ng distritong ito ay magsumite ng pirma kung hindi nila maaabot ang 3% na requirement ng Comelec mababasura lang umano ito.
Madelyn Villar – Moratillo