Comelec, magsasagawa ng voting simulation para sa 2022 elections
Magsasagawa ng voting simulation ang Commission on Elections bukas, Oktubre 23, sa San Juan Elementary School.
Ito ay bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na May 9, 2022 National and Local Elections.
Ayon sa Comelec, 4 na classroom na magsisilbing polling precincts ang kanilang gagamitin habang 3 classrooms naman bilang holding areas.
Nasa 4,235 test voters naman ang makakalahok sa simulation na gagawin mula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, layon ng simulation na makita ang average time frame ng verification process ng identity ng botante mula sa Election Day Computerized Voting List.
Ito ay upang makagawa sila ng mga proposal kung paano mapapaiksi pa ng proseso sa mismong araw ng halalan.
Isa pa sa objective nito ay makita ang iba pang isyu sa verification process na kailangang ikunsidera gaya ng pagpapatupad ng minimum health and safety protocols.
Layon din ng aktibidad na makita kung paano maisasagawa ang pagboto sa pinaka-maiksing oras na puwede.
Paalala naman ng Comelec, lahat ng lalahok sa aktibidad ay kailangang magsuot ng face mask at shield habang nasa loob ng voting center at kailangan maipatupad ang physical distancing.
May mga itatalaga ring COVID-19 marshalls at medical personnel sa panahon ng aktibidad.
Sa panahon ng simulation, magkakaroon naman ng Voter’s Assistance Desk para malaman kung saang presinto ang isang botante at magkakaroon rin ng sequence numbers.
Ang mga botante na ang temperatura ay higit sa 37.5 degress ay papayagang makaboto pero doon sila sa Isolation Polling Place.
Mayroon ring Emergency Accessible Polling Place para sa mga vulnerable sector gaya ng Persons with Disability, senior citizens at buntis na malalaki na ang tiyan.
Madz Moratillo