Comelec main office, mag- iisyu na ulit ng Voter’s Certification kahit MECQ pa
Simula ngayong araw, muling ipagpapatuloy ng Commission on Elections ang pag-iisyu ng Voter’s Certification para sa local registered voters sa kanilang punong tanggapan sa Intramuros, Maynila.
Sa isang abiso, sinabi ng Comelec, na ang mga rehistradong botante sa alinmang lugar sa bansa ay maaaring mag-aplay para sa voter’s certification mula Lunes hanggang Huwebes, 8:00AM hanggang 4:30PM sa Comelec- National Central File Division satellite office sa FEMII Building sa Extension Cabildo St., kanto ng A. Soriano Avenue, Intramuros.
Pero paalala ni Comelec Spokesperson James Jimenez, by appointment ang pagkuha ng voter’s certification.
Pinaalalahanan rin ang mga kukuha na sumunod sa health protocols at tiyaking nakasuot ng face mask at shield para makapasok sa gusali.
Maaari aniyang magpa-appointment sa pamamagitan ng Facebook Page ng Comelec-NCDF.
Matapos ito ay makakatanggap ng Appointment Confirmation Slip ang aplikante.
Ipinaalala naman ng Comelec na libre ang voter’s certification para sa mga senior citizen, persons with disability (PWDs), mga miyembro ng mga Indigenous Peoples (IPs) at Indigenous Cultural Communities (ICCs) at solo parents.
Madz Moratillo