COMELEC nagbabala sa mga kandidato sa BSKE laban sa premature campaigning, overspending
Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) laban sa premature campaigning.
Sa Oktubre 30 nakatakda ang eleksyon ngunit sa huling linggong Agosto at unang linggong Setyembre nakatakda ang filing ng certificate of candidacy ng mga tatakbo sa BSKE.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na itinuturing ng poll body na hindi aplikable ang 2009 Supreme Court ruling sa Perena vs. COMELEC ukol sa premature campaigning.
Dahil sa hindi naman aniya automated ang BSKE, sinabi ni Garcia na hindi ito aplikable.
Kaya naman may babala ang COMELEC sa mga kakandidato sa BSKE.
“May warning kami sa lahat ng kakandidato [BSKE] napag nag-file sila sa August at September, considered candidate na sila sa unang araw na nag-file silang COC,” pagdidiin ni Garcia.
Kabilang sa mga itinuturing na bahagi ng premature campaigning ang lahat ng aktibidad na ginagawa ng isang kandidato para makakuha ng boto sa panahong hindi pa nakatakdaang official campaign period.
Sa ilalim ng batas, magsisimula ang official campaign period para sa BSKE sa Oktubre 19 hanggang 28, 2023.
Sa mga lalabag, nagbabala muli si Garcia na aaksyunan sila ng COMELEC batay sa isinasaad ng Omnibus Election Code.
“Sinumang mae-engage sa premature campaigning ay maaaring ma-disqualify, kami mismo sa COMELEC, motopropio ay idi-disqualify sila at posibleng maharap sa kasong criminal dahilang election offense ay kasong criminal,” paliwanag pa ni Garcia.
Nagpa-alala rin ang poll body sa gastos na dapat gugulin ng mga kandidato sa BSKE.
Tatlong piso lamang aniya bawat botante ang dapat gastusin ng isang kandidato at sinumang lalabag dito ay maaari ring ma-diskwalipika sa eleksyon.
Umapela naman ang COMELEC sa publiko na makibahagisa BSKE dahil ito ang isa sa pinaka-kritikal na eleksyon para sa mamamayan.
Maaari umano nilang gamitin ang eleksyon para iluklok muli ang mahuhusay na barangay officials o patalsikin na ang mga hindi maayos na gumaganap sa pwesto.
Weng dela Fuente