Comelec, nagbabala sa mga kandidatong nagbabayad ng permit fees sa CPP-NPA-NDF
Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng mga tumatakbong kandidato sa darating na halalan, na ang pagbabayad ng Permit to Campaign at Permit to Win fees sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at iba pang mga kaalyado nito ay isang election offense, na maaaring maging sanhi ng kanilang diskwalipikasyon.
Ito ay makaraang aprubahan ng komisyon ang tugon at rekomendasyon ng Law Department sa liham ng Armed Forces of the Philippines (AFP), para maglabas ng isang resolusyon tungkol sa mga parusang maaaring ipataw sa mga kandidatong nagbabayad ng naturang fees.
Maibibilang kasing paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code ang pagbabayad ng nabanggit na mga fee, na maihahalintulad sa pagbili at pagbebenta ng boto, pananakot, intimidation, terorismo, paggamit ng fraudulent devices at iba pa, na maaaring kasuhan ng Comelec at iba pang sangay ng pamahalaan.
Sinasabing paglabag din ito sa Republic Act No. 10168 o The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012, at sa Republict Act 11479 o ang Anti Terrorrism Act.