Comelec offices sa NCR plus mananatiling sarado sa buong panahon ng extended MECQ
Mananatili pa ring sarado ang mga tanggapan ng Commission on Elections sa NCR plus hanggang sa Mayo 14 o sa panahon ng pag-iral pa ng extended Modified Enhanced Community Quarantine.
Sa abiso ng Comelec, hanggang Mayo 14 ay mananatiling sarado ang kanilang mga opisina sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Habang ang kanilang Comelec offices naman sa Santiago, Isabela, Abra at Quirino ay sarado hanggang Mayo 31.
Dahil rito, suspendido ang Voter Registration at pagkuha ng voter’s certification sa mga nasabing tanggapan ng Poll body.
Pero ang Comelec office for Overseas voting sa Intramuros, Maynila ay mananatili umanong bukas para tumugon sa voter registration applicants na may urgent na biyahe.
Nilinaw naman ng Comelec na para sa mga lugar na nasa General Community Quarantine o Modified GCQ ay bukas ang kanilang mga tanggapan mula Lunes hanggang Huwebes mula 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon para sa voter registration.
Habang hanggang 5:00 ng hapon naman ang pagkuha ng Voter’s certification.
Madz Moratillo