Comelec pinag-aaralan na ang mga paiiraling pagbabago sa pangangampanya sa ilalim ng new normal
Ngayon palang, nag abiso na ang Commission on Elections sa mga kakandidato sa May 2022 National and Local elections na asahan ang maraming pagbabago na ipapatupad sa paraan ng pangangampanya dahil sa epekto ng COVID-19.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ngayon palang ay pinaghahandaan na ng poll body ang mga regulasyong paiiralin sa pangangampanya sa ilalim ng tinatawag na new normal.
Isa sa mga magkakaroon ng pagbabago ay sa nakasanayang face to face campaigning ng mga kandidato na masyadong delikado lalo at nariyan ang banta ng virus.
Sa ngayon hindi pa naman matiyak ni Jimenez kung pagbabawalan nila ang pagsasagawa ng mga meeting de evance sa panahon ng campaign period.
Pero asahan aniya ang mas mahigpit na guidelines sa mga ganitong aktibidad.
Sa ngayon, pinag-aaralan naman ng Comelec ang mga magiging adjustment sa campaign rules gaya ng kung hahabaan ba ang oras ng political ads sa mga telebisyon at radyo dahil sa mga restriction sa pisikal na pangangampanya.
Dahil sa epekto ng mga pinatupad na Community quarantine, mas lalo ring lumakas at dumami ang mga gumagamit ng social media.
Isa ito sa mga tiyak na gagamitin ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya.
Kaya naman ngayon palang ay pinag-aaralan na rin ng poll body kung paano nila mas mapaapigting ang kanilang pagbabantay sa campaign spending ng mga kandidato.
Pero titiyakin aniya ng Comelec na magiging patas ang access ng lahat ng mga kandidato sa online campaigning resources.
Sa ngayon ay wala pang inilalatag na calendar of activities ang Comelec para sa 2022 elections pero posibleng sa Pebrero ng susunod na taon ang itakdang simula ng campaign period para sa 2022 elections.
Madz Moratillo