Comelec , pinag-aaralang hindi na ituloy ang filing ng COC para sa Brgy at SK polls
Pinag-aaralan ng Commission on Elections na huwag nang ituloy ang nakatakdang filing ng certificate of candidacy kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ang petsa para sa BSKE ay una ng itinakda ng Comelec sa October 22 hanggang 29.
Ang panukala para sa pagpapaliban ng BSKE ay nasa tanggapan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at naghihintay nalang ng lagda nito.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, ilan sa kanilang ikinukunsidera ay ang posibilidad na magkaroon ng kalituhan ang publiko.
Kung itutuloy pa rin kasi aniya ang paghahain ng kandidatura at malagdaan ng Pangulo ang batas ay maaaring mabalewala ang paghahain nila ng COC.
Kumpleto na ngayon ang mga miyembro ng Comelec kaya lahat ng kanilang Commissioners ay tiyak makakalahok sakaling talakayin ang isyu sa en banc.
Kanina, nakapannumpa na sa pwesto sina Commissioners Nelson Celis at Ernesto Maceda Jr.
Si Celis ay nauna nang na-appoint bilang Comelec commissioner noong Aug. 11, 2022, pero hindi naisalang sa Commission on Appointments noong September 29 dahil sa kakapusan ng oras pero muli naman siyang inappoint ni PBBM.
Si Celis ay eksperto sa Information Technology.
Samantala, si Maceda na isang abogado, ay itinalaga ni PBBM bilang Ad Interim Comelec Commissioner noon lamang October 3, 2022.
Si Maceda ay kilalang eksperto sa Konstitusyon.
Ang dalawa ay kailangan namang sumalang parin sa kumpirmasyon ng CA sa oras na magbalik sesyon na ang Kongreso.
Madelyn Villar -Moratillo