COMELEC sisimulan ang paghaharap ng kaso sa mga double, multiple registrants
Sinisimulan ng Commission on Elections (COMELEC) ang proseso para sa paglilinis sa tala ng mga rehistradong botante.
Sa harap ito ng natuklasang mahigit sa 400,000 double at multiple registrants at potensyal na maging flying voter sa darating na eleksyon.
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na sa halos buong bansa ay may mga nadiskubreng double at multiple registrants.
Sa tuwing magsasagawa ng general registration ay nagbibigay ng dalawang buwang palugit ang COMELEC para sa paglilinis ng voter’s list.
Hindi rin aniya madali ang ginagawang pagllilinis dahil ima-match ang fingerprint ng registrant sa 68 milyong rehistradong botante
“Halimbawa nagparehistro tayo nuong December 12 hanggang January 31, immediately binibigyan natin ang Information and Technology Division ng 2 buwan upang alamin yung 1 is to 68 million, yung fingerprint ika-counter check yan sa 68M registered voters natin, mayroon po kaming ganung klaseng programa, kaya po naming yun basta bigyan lang kami ng two months,” paliwanag ni Chairman Garcia.
Sa Hulyo, ipapatawag ng COMELEC ang mga miyembro ng Election Registration Board (ERB) sa buong bansa para sa pagtatanggal ng mga double at multiple registrants.
Sa ngayon ay u-unti-untiin muna ng poll body ang paghaharap ng reklamo laban sa mga double at multiple registrants.
“Huwag pong mag-alala ang ating mga kababayan, hindi po ito problema sapagkat by July po ay aming aming iko-convene ang lahat ng Election Registration Board sa buong bansa upang sila ay magtanggal nitong mga double o multiple registrants,” paliwanag pa ni Garcia.
“Sinimulan na rin po namin ang pagpa-file ng kaso, mga limang libo muna dun sa mga nakita nmain na mga double o multiple registration sapagkat ito po kasi, good faith is not a defense,” diin pa ng poll chief.
Sa hiwalay na panayam naman ng TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo (ASPN) ng NET25, sinabi ni Atty. Rex Laudiangco, hindi lang criminally liable kung iba pang parusa ang kakaharapin ng mga double at multiple registrants.
“Pagkatapos ng Preliminary Investigation sa COMELEC ay may due process na isasagawa, pag may batayan ay isasampa ang kaso sa RTC [regional trial court] kung saan naganap ang registration,” paliwanag ni Laudiangco.
“Bukod sa 6 years imprisonment, may 2 accessory penalties na katapat ito gaya ng forfeiture ng right to suffrage, at perpetual disqualification from public office, so kahit utility sa government office ay hindi na pwede,” pagdidiin pa ng COMELEC spokesman.
Weng dela Fuente