COMELEC tinanggihang bayaran ang P15.3M na demand ng Impact Hub Manila
Tinanggihan ng Commission on Elections (COMELEC) ang demand ng Impact Hub Manila na bayaran sila ng P15.3 milyon para sa kontrata kaugnay ng Pilipinas Debate noong 2022 National Elections.
Sa liham ng COMELEC na pirmado ni Executive Director Teofisto Elnas, nakasaad na bigo ang Impact Hub na magamapanan ang kanilang obligasyon na nakasaad sa kontrata.
Paliwanag ni COMELEC Chairman George Garcia, pondo ng bayan ang pinag-uusapan kaya dapat maging maingat.
“Pag naniningil ka kahit anong status mo, whether publiko o pribado, naniningil ka, magbigay ka muna ng ebidensya ng may utang sa yong entity o tao, lagyan mo ng dokumento o patunayan mo na ikaw talaga may karapatan maningil,” paliwanag ni Garcia.
“Pag nagkaganon sino naman ang nasa tamang katinuan sa isang pamahalaan na magbayad kung wala namang dokumentong hinahanap mismo ng mga umiiral nating patakaranm,” dagdag pa ng COMELEC chief.
Matatandaang kinansela ng COMELEC ang ikatlong bahagi ng nasabing debate dahil sa mga nabunyag na iregularidad sa sumablay na Presidential at Vice Presidential Debate para sa 2022 polls.
Dumulog kasi sa poll body ang pamunuan ng hotel kung saan ginawa ang naunang bahagi ng debate dahil sa utang sa kanila ng Impact Hub na nagkakahalaga ng P14 milyon at ang mga cheke na inisyu sa kanila ay tumalbog.
Dawit sa isyu ang dating tagapagsalita ng poll body at direktor ng Education and Information Department na si James Jimenez matapos itong magbigay ng garantiya sa nasabing hotel para sa Impact Hub bilang production partner ng COMELEC.
Ang hakbang ni Jimenez ay kinuwestyon ni COMELEC Commissioner Rey Bulay dahil hindi naman aniya ito myembro ng en banc.
Dahil rito, nasibak sa pwesto si Jimenez at nagretiro na lamang.
Ayon kay Garcia, inaasahang sa linggong ito ay mailalabas na ang report ng investigating panel.
“Walang white wash, kung ano ang lumabas sa report, sino, anuman present o former kelangan nabanggit makita ano punot dulo para di matularan,” pahayag pa ni Garcia.
Nasa 5 – 6 na indibidwal aniya ang posibleng madawit sa isyu, kasama na ang mga naging dating opisyal ng poll body.
Madelyn Moratillo