Comelec tuloy lang sa preparasyon para sa BSKE kahit lusot na sa Kamara ang panukala para sa pagpapaliban nito
Kahit nakalusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara, hindi pa rin natitinag ang Commission on Elections sa kanilang mga preparasyon para sa Barangay at SK elections.
Paliwanag ni Comelec Chair George Garcia, kailangan kasi na magkaroon ng isang batas para rito at iyan ang kanilang hinihintay.
Sa ngayon, nakasalang pa sa plenaryo ng Senado ang bersyon ng kanilang panukala para sa postponement ng Brgy at SK elections.
Una rito, kinumpirma ng Comelec na nakabili na sila ng mga kinakailangan para sa nasabing halalan at ang ibang kontrata ay nai-award na.
Iniurong naman ng Comelec ang pag-imprenta sa mga balota para sa BSKE na unang itinakda ngayong linggong ito para sa karagdagang safety features nito.
Ang balota para sa BSKE, ay lalagyan aniya ng serial numbers na gaya ng ginagamit sa perang papel.
Sa nakapasang bersyon sa Kamara, itinakda ang BSKE sa unang lunes ng December ng 2023 sa halip na sa December 5 ng taong ito.
Madelyn Villar- Moratillo