COMELEC tumanggi pang magbayad sa Impact Hub Manila dahil sa pumalpak na 2022 Presidential at Vice Presidential Debate
Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) na patuloy pa rin nilang iniimbestigahan ang sumablay na Presidential at Vice Presidential Debate para sa 2022 National at Local Elections.
Matatandaang kinansela ng COMELEC ang ikatlong bahagi ng nasabing debate dahil sa mga nabunyag na iregularidad.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, naisumite na sa kanila ng investigating panel ang report ukol sa insidente ilang buwan na ang nakakalipas pero ibinalik ito ng En Banc.
Nais aniya ng En Banc na tukuyin mismo ang mga batas na nilabag at mga dapat panagutin.
Dahil dito, nanindigan si Garcia na hindi sila maaaring madaliin para bayaran ang Impact Hub lalo at ini-imbestigahan pa ang posibleng criminal, civil at administrative liabilities.
Sinabi ng COMELEC chief na sangkot sa usapin ang pondo ng bayan kaya kailangang maging maingat sila sa paggasta rito.
Una rito, sumulat ang Impact Hub Manila sa COMELEC at nagdedemand na bayaran na sila sa P15 milyong liabilities.
Matatandaan na sumabit sa nasabing isyu ang dating tagapagsalita ng COMELEC na si James Jimenez at ilan pang opisyal kaya nasibak si Jimenez at nagretiro na lamang.
Madelyn Villar- Moratillo