COMELEC walang karapatang i-extend ang paghahain ng SOCE – SC
Walang karapatan ang Commission on Elections (COMELEC) na palawigin ang paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) nang mga kumandidato sa 2016 national and local elections.
Sa 19-na-pahinang desisyon na ibinaba ng Supreme Court (SC) sinabi nito na nakagawa ng grave abuse of discretion ang COMELEC nang palawigin hanggang June 30, 2016 ang paghahain ng SOCE.
Ibinaba ng SC ang desisyon sa petisyong inihain ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-LABAN).
Sa ruling, sinabi ng SC na hindi maaaring i-extend ng poll body ang deadline sa submission ng SOCE at absweltuhin mula sa administratibong pananagutan ang mga political parties at mga kandidato.
Kinatigan ng Mataas na Hukuman ang argumento ng PDP- Laban na malinaw na nakasaad sa batas na dapat ang SOCE ay ihain sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.
Binigyang- diin ng mga mahistrado na mandatory ang 30-day period ng pagsusumite ng SOCE.
Sinabi pa ng Korte Suprema sa ruling nito na ang blanket extension ng COMELEC sa SOCE filing ay katumbas ng usurpation o pag-agaw ng kapangyarihan ng lehislatura.
Paliwanag ng SC, ang tanging ang dalawang kapulungan ng Kongreso lang ang may kapangyarihan na amyendahan ang batas.
Kaugnay nito, ipinawalang-bisa ng SC ang resolusyon ng poll body na palawigin sa June 30, 2016 mula June 8 ang deadline ng SOCE.
Gayunman, nilinaw ng SC na ang mga SOCE na isinumite bago o sa June 30, 2016 ay ikinukonsiderang timely filed.
Moira Encina