Commitment ng PH at Canada na magtulungan para sa payapa at matatag na rehiyon sa Indo-Pasipiko, pinagtibay
Pinagtibay ng foreign ministers ng Pilipinas at Canada ang commitment ng dalawang bansa na magtulungan para mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon ng Indo- Pasipiko.
Ito ay sa working visit ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa Canada, bilang pagdiriwang sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic relations ng dalawang bansa.
Photo: DFA
Sa pagpupulong nina Secretary Manalo at Canadian Foreign Minister Melanie Joly, binigyang-diin ang kahalagahan ng international law kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Pinasalamatan din ni Manalo ang patuloy na partisipasyon ng Canadian Armed Forces sa multilateral exercises ng Pilipinas at ng iba pang mga kaalyado.
Ayon sa DFA, kabilang din sa pinag-usapan ng dalawang opisyal ang posibleng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa Canada.
Photo: DFA
Walang binanggit kung kailan ang prospective Canada visit ng pangulo.
Bukod kay Joly, nakipagpulong din si Manalo sa iba’t ibang opisyal at grupo sa Canada.
Moira Encina